Friday, October 18, 2013

Talumpati: "Ang Mga Kabataan"

Ang Mga Kabataan
Ni Abigail Y. Parado

                        Ayon sa mga matatanda ang mga kabataan ngayon ay ibang – iba na kung ikukumpara natin sa mga kabataan noon sa maraming aspeto at kabilang dito ang kanilang pag – uugali at pananamit.

                        Ang mga kabataan noon ay higit na magagalang, masunurin, mababait, masisipag, matulungin, at hindi marereklamo di katulad ng mga kabataan sa panahon natin ngayon. Noon dahil nga mahirap ang buhay, ang mga kabataan ay maagang namulat sa katotohanang, “ang isang tao para mabuhay ay kailangan niyang magbanat nang kanyang sariling mga buto.”  Katulad ito nang mensaheng nais iparating ng isang matandang kasabihan na, “kung walang tiyaga ay walang nilaga,” kung hindi ka kikilos at gagawa ay walang mangyayari sa iyo. Kaya’t sa halip na maglaro at pumasok sa eskwelahan para mag – aral ay tumutulong na lamang sila sa kanilang mga magulang sa mga gawaing bahay at paghahanapbuhay. Sa madaling salita ang mga kabataan noon ay maagang natuto na maging isang responsableng mamamayan .Lubha ring malinaw sa kanilang puso’t isipan ang mga gingawa ng kanilang mga magulang upang sila’y makaraos sa pang – araw – araw nilang pamumuhay. Sila’y masinop rin sa pag – aayos ng kanilang mga pangangatawan, maingat din sila kung manamit at matapat din sila sa pagsunod sa mga utos ng kanilang mga magulang at sa iba’t – ibang mga mga alituntunin sa ating lipunan. Sapagkat ang mga kabataan noon ay lubhang sagana sa mga pangaral ng kanilang mga magulang kung kaya’t sila’y mayroong mabubuting asal.

                        Kaiba naman sa mga kabataan sa panahon natin ngayon. Mulat sila sa makabagong panahon na dulot nang mabilis na pag – unlad kaya’t higit na mas malawak ang kanilang kaalaman at  pangangatwiran na kung minsan ay nagiging  sanhi na nang kawalan nila ng pag – galang sa kapwa.  Mayroon na din silang isang mapagsawalang – bahalang ugali --- sapagkat ang mga bagay na maaari na nilang gawin ngayon ay palagi na lamang nilang ipinagpapabukas kaya’t kung minsan ay hindi na nila ito nagagawa. Mas bulgar na rin ang kanilang mga pananalita at mga pananamit --- kung ano ang kanilang nararamdaman ay tahasan na nila itong sinasabi hindi batid ang mararamdaman ng kanilang kapwa. Sila ay lubos na ring mapangahas sa paggawa ng mga bagay na kung minsan ay hindi na kanais – nais. Katulad na lamang ng pagiging mahilig nila sa mga kung anu – anong uri ng paglilibang. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang paglalaro nila ng mga kompyuter games, pagkakalulong nila sa iba’t – ibang uri ng sugal, pagkakaroon nila ng iba’t – ibang uri ng bisyo at marami pang iba. Ito ang mga dahilan kung bakit nila napapabayaan ang kanilang pag – aaral at dahil hindi rin nila batid ang hirap na dinadanas ng kanilang mga magulang para lamang sila ay mapag – aral at mabigyan ng isang magandang kinabukasan. Ngunit sa kabilang dako, itinuturing na mas mapalad ang mga kabataan ngayon kaysa sa mga kabataan noon. Alam niyo ba kung bakit? Ito ay dahil hindi na nila kailangan pang magbanat ng buto para lamang makakain ng tatlong beses sa isang araw at makapag – aral sa isang magandang paaralan sapagkat nandiyan naman ang kanilang mga magulang na sa kanila’y handang umagapay; nandiyan na din ang mga makabagong teknolohiya na lubhang pinapadadali ang kanilang mga gawain.


                        At kahit ano pa ang ating sabihin, mananatili pa ring ang mga kabataan ang nag - iisang pag – asa at kinabukasan ng ating bayan. Sila ang maghahatid sa ating bayan sa kasaganahan at mag – aahon dito mula sa kahirapan. Ang panahon ng pagkilos at paggawa ng aksyon ay hindi mamaya, hindi rin bukas o sa isang taon kung hindi ngayon na mismo. Huwag tayong maging tamad at pabaya sa ating pag – aaral sapagkat balang araw o di kaya’y maaaring bukas tayo ay isa na sa mga taong magiging tulay upang ating bansa’y umunlad. At ang tunay na tagumpay ay yaong galing sa ating sariling dugo’t pawis at pagsisikap at hindi yaong galing sa dugo’t pawis ng ibang tao. Kaya’t mga kabataan ay ating pangalagaan, mahalin at gabayan ng sa gayon sila’y di maligaw ng landas.

1 comment:

  1. Onlinebet : Betway Casino, Login & Mobile Review
    Join BK8, an online sports betting site, and get a 100% welcome bonus up to bk8 €150. Your first bet of €10 クイーンカジノ will be credited as a 100% bonus up to €150. Rating: 4.7 카지노 · ‎Review by Vienne Garcia

    ReplyDelete